Dagdag ko lang itong aking opinyon tungkol sa maagang paglaya ng ating dating Pang-gulo Pangulong Estrada o mas kilala sa kanyang astig palayaw na Erap. Kailangan ko itong ilagay dito dahil nandoon ako at nakilahok sa Edsa Dos (Dahilan na rin yung medyo naupod kong sapatos noong sumama kami sa martsa mula Ayala hanggang Ortigas at pati na rin ng pinagalitan ako ng boss ko dahil umuwi ako ng maaga). Though wala akong cellphone no’n (Naiwan ko lang sa CR ng sampung minuto ay nawala na agad!) para makisama sa pagforward ng lahat ng mga anti-erap text ay magkakasama naman kami ng mga kaopisina ko na nakipag-asaran doon sa mga hinakot nilang mga supporters sa kahabaan ng ayala, dumaan sa gitna ng mga nagpapahingang masa sa may statue ni Ninoy, at nakipagbatuhan sa may ayala bridge. Bale sila naman ang unang nambato (maliliit lang naman) at dahil paakyat kami ng tulay at wala kaming madampot na mga bato ay mga baryang pera ang ginamit namin kaso hindi na bumalik pa yung mga binato namin sa kanila dahil kapag pinupulot nila ito ang mga ito ay deretso na agad sa kanilang mga bulsa.
Paglabas ng EDSA ay lalong pang dumami ang mga sumama, kumapal pa lalo ang mga tao, at humaba pa ang martsa. Si Ping ay malapit ng i-announce ang kanyang pagbaliktad ng mga oras na yon’ kaya’t ang mga pulis ay panay na ang tulong sa mga rallyista. Nag traffic na ng husto mula Guadalupe hanggang Edsa Shaw at ang mga sasakyan na kasabay namin ay puno ng mga taong papunta sa Our Lady of Edsa para magbigay pa ng kanilang mga suporta, may mga bata, matatanda, at mga bus na puno ng mga estudyanteng galing sa kanilang mga unibersidad. Madaming madre at mga sibilyan ang namimigay ng mga sandwiches at zest-o sa mga naglalakad. Ganito pala yung feeling kapag kasama ka sa isang pagbabagong gagawin n’yo para sa iyong bansa, ang gaan ng pakiramdam mo. Lahat ng tao ay nakangiti, masaya, at nagbibigayan. Hindi na kailangan pang magbarilan. Parang Pasko na ulit kaso Enero pa lang.
Punta naman tayo agad sa November 2007, laya na si Erap! Eh ni hindi nga siya nakahawak ng rehas! Nasa rest house lang at nadadalaw ng malaya ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Baka nakatulong pa nga ito sa kalusugan niya dahil hindi na siya napupuyat at medyo bawas na rin sa inom. Pero bukod pa dito, isang napakalaking sampal ito para sa ating lahat na naghangad ng pagbabago para sa ating bansa. Granted na naging Pangulo nga natin siya pero mas matindi naman ang ginawa niya sa ating bansa. Jueteng collection na umabot hanggang Malacañang! Wala ng respeto sa kanyang posisyon na sinumpaan! Nandoon siya para i-lead ang ating bansa at hindi para maging Lord of the Juetengs. Kahit ano pang dahilan ang ibigay ng Arroyo government, totoo man o hindi, isang malaking sampal ito sa ating lahat na nagnanais na magkaroon ng isang tunay na lideratong mag-gagabay sa ating bansa. Tsk, tsk, tsk, maling mensahe ang ibinigay natin sa ating mga kabataan.
Siguro ang kalahati sa nagpunta sa Edsa2 ay nag migrate na, mga naging OFW sa Middle East, TNT sa Amerika, Caregiver sa Canada, DH sa Hongkong, agents sa mga call centers, busy sa kanilang mga career at pamilya, at kakaunti na lamang yung mga naiwan na may lakas pang ipagpatuloy yung nasimulan natin. Pero nasa Pinas man o abroad tayo ay maari pa rin nating ipagpatuloy ang nais natin na pagbabago para sa ating bansa. Ito ay sa patuloy na pagpapakita ng ating dedikasyon at sipag sa ating mga trabaho, sa ating mga partisipasyon sa mga iba’t ibang civic oriented o NGO groups na naglalayon pang tulungan ang ating mga kababayan, at ang tamang edukasyon para sa ating mga anak upang maging tunay na lider sila ng kanilang henerasyon.
At bilang pagtatapos ay gusto kong i-share sa inyo ang sinabi ni Fr. Orbos sa kanyang column ngayong araw na ito sa Inquirer, “The biggest problem we have now is “Truth Decay,” and what our leaders are saying is: “Don’t talk about it. Let’s move on.” No. We must talk about it, because without the truth, there can be no real moving on.”







korek ka dyan…paano ka magmomove on kung patuloy ding nagmomove ang mga bulsa nila..pabigat ng pabigat ang laman ng bulsa habang maraming nagugutom…sa pagkain at sa kalayaan.
hi manilenya! masarap na malaman na marami pa rin sa ating mga kababayan ang naghahangad na mapagbuti pa rin ang ating bansa sa kabila ng mga elected leaders at govt officials na inaabuso ang kanilang mga posisyon.
Hi!
I found out your blog while trying to learn philipino.
Nice blog you have here.
>
wow, dats kewl! by da way, the correct spelling is Filipino. and what you’re reading is Tagalog. maraming salamat sa iyong pagbabasa. have a great day, kabayan!