Kagabi ay pinanood namin ang Sine Totoo episode na may titulong “Mga Mata ni Ekang” galing sa YouTube. Si Ekang ay maaring 2 o 3 taong gulang na bata na masayang nakikipaglaro araw-araw at malikot na binabagtas lagi ang mga eskinita ng kanilang tinitirhan. Wala namang syang kakaibang kapangyarihan o kalabang mga maligno na tulad ng kay Angelita na ating napapanood sa telebisyon. Kaso ang mga tunay na karakter na nakapalibot sa kanya ay talagang kakaiba din naman: Tatay na Pedicab Driver slash holdaper sa gabi, Nanay na pusher ng shabu, Lola na dating hostess at ngayo’y bugaw na at Titong kinse anyos pa lamang pero nagyoyosi at umiinom na. Habang pinapanood namin ito ng aking flatmate ay pareho kaming natahimik at hindi makapaniwala sa mga hanapbuhay ng mga itinuturing na ilaw at haligi sa buhay ni Ekang. Idagdag pa natin dito ang kanilang extra income na nagmumula sa kanilang pagpapaarkila ng kanilang bahay bilang shabu den ng kanilang mga buyer. Sabi ng kanyang nanay na dagdag kita din ito at libre “score” pa sila. Nabanggit ko na rin ba na bagong panganak din lang siya at nagpapa breastfeed pa?! Hindi kami makapaniwala na may ganoon na palang magulang sa mga panahon na ito. Kahit si Kara David ay hindi rin makapaniwala na ang bilis nilang nakakuha ng isang case study na katulad nito.
Nguni’t higit pa sa pagiging isang case study nila ay naawa ako doon sa bata at sa kanyang bunsong kapatid na iilang buwan pa lamang dahil sa klase ng pagpapalaki na ginagawa sa kanila ng kanilang mga magulang. Ibinigay na dahilan ang kanilang kahirapan kaya raw sila napilitang gawin ang mga bagay na yon at mas mahalagang may makain muna sila bago nila unahin ang ibang mga bagay pa. Napakadaling sabihin natin na ito ay maling-mali at napakahirap din naman na maintindihan natin sila sa ganoong klaseng mga dahilan pero sana naman ay magkaroon pa rin sila ng lakas ng loob at pananampalataya sa Diyos na matuwid nila ang kanilang baluktot na mga paniniwala.
Hangad ko lang ay isang magandang kinabukasan para kay Ekang at sa kanyang kapatid, isa na rin akong Tatay kaya’t masakit yung makita at malaman mo na mayroong mga batang hindi pinagsisikapang bigyan ng magandang kinabukasan ng kanilang mga magulang bagkus ay pinipilit pang bigyan katwiran ang kanilang mga baliktad na mga gawain. Alam kong marami ng problema ang mundo at higit pang komplikado kaysa dito nguni’t ito’y napakahalaga para sa ating mga Pinoy dahil sa kanilang mga kabataan na tulad ni Ekang at ng kanyang kapatid nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa.







napanood ko rin yan….nakakaawa nga sya at nakakainis ang mga magulang.
wala namang perpektong magulang pero sana naman ay maging magandang halimbawa pa rin sila sa kanilang mga anak.
amen ako dyan!
napanood ko din yan.. galing ni Kara David.. Kahit papano swerte pa rin ako.. pero pinagdadasal ko si Ekang at ang iba pang mga batang nasa kalagayan nya at syempre pati na rin ang bansang ito na sana umunlad na..
hi angel! that’s the spirit! tama yan, lahat ng mga bagay ay nadadaan sa ating mga dasal.